Friday, October 9, 2026

VP Sara, tumanggap umano ng mahigit ₱82,300 na sweldo sa city government ng Davao noong 2023

Kinwestyon ni Senator-judge Raffy Tulfo ang pagtanggap ni Vice President Sara Duterte ng sweldo mula sa City Government of Davao sa kabila ng pagiging ikalawang pangulo ng bansa.

Sa paglilitis, tinukoy ni Bureau of Internal Revenue Office of the Commissioner Chief of Staff Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez sa BIR Form 2316 na may gross compensation o sweldo ang bise presidente na aabot ng ₱82,327.45 noong 2023.

Hindi naman direktang matukoy ni Marquez kung anong pinagmulan ng sweldo o kung ito ba ay bayad sa kanya ng Davao City LGU para sa legal services pero malinaw sa dokumento na may tinanggap na sweldo ang bise.

Samantala, sa interjection naman ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero, nilinaw ni Marquez na natanggap ang sweldo noong 2023 at ang paghahain ng BIR form ay noon naman April 11, 2024.

Sa kabilang banda naman ay iginiit ni defense lawyer Atty. Michael Poa na handa nilang sagutin at harapin ang tungkol sa isyu ng pagtanggap ng sweldo ni VP Duterte mula sa Davao City local government unit.

Sinabi ni Poa na magpiprisinta sila ng testigo sa partikular na isyung ito na suportado ng mga records at mga dokumento.

Facebook Comments