Wednesday, October 7, 2026

Pilipinas at Poland palalakasin ang depensa at seguridad

Palalakasin ng Pilipinas at Poland ang kanilang kooperasyon sa depensa at seguridad, kabilang ang pagsasanay at pagpapalitan ng kaalaman ng kanilang mga sundalo.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang sa napag-usapan nila ni Polish President Karol Nawrocki ang patuloy na pagtutulungan sa defense at security, kabilang ang pagkuha ng Pilipinas ng S-70 Black Hawk combat utility helicopters mula sa Poland bilang bahagi ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Itutuloy rin ng dalawang bansa ang mga napagkasunduan sa unang Philippines-Poland Joint Defense Cooperation Committee, partikular ang joint training at educational opportunities para sa kanilang mga tauhan-militar.

Sinabi ni Marcos na mula 2025 ay observer na ang Poland sa Balikatan exercises, na lalo pang nagpapalalim sa ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng seguridad.

Ayon naman kay Nawrocki, pareho ang Pilipinas at Poland sa pagpapahalaga sa soberanya, seguridad, ligtas na kalakalan at seguridad ng mga rutang pandagat.

Naniniwala ang Polish leader na maaari pang palawakin ang pagtutulungan ng dalawang bansa para sa seguridad at katatagan sa Europe at Indo-Pacific.

Facebook Comments