
Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada na gagawin niya ang lahat ng legal na remedyo kaugnay sa kinakaharap na plunder at graft cases sa Sandiganbayan patungkol sa maanomalyang flood control projects.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos na magdesisyon ang Sandiganbayan 5th Division na pagbigyan ang mosyon na alisin at ipawalang-sala si dating Department Of Public Works And Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan bilang co-accused ni Estrada sa mga kaso kaugnay sa flood control kickback scheme.
Ayon kay Estrada, iginagalang niya ang desisyong ito ng Sandiganbayan sabay giit na may mga legal na remedyo pa siyang pwedeng gawin sa ilalim ng judicial system.
Sinabi niya na pag-aaralang mabuti at isusulong ito ng kanyang legal team sa tamang oras at nais niyang gamitin ang lahat ng legal na paraan na ipinagkaloob ng batas.
Idiniin pa ng senador na ang pagbawi ng Sandiganbayan sa kaso ni Bonoan ay hindi nangangahulugan na katapusan na ng kanyang mga legal na hakbang at patuloy aniya siyang magtitiwala sa due process at sa rule of law.










