
Pinahihigpitan ni Senator Kiko Pangilinan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbibigay at pagpapatupad ng mga permit para sa reclamation, quarrying, mining, at land conversion.
Ang apela ng senador ay bunsod ng matinding pagbaha dahil sa epekto ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Iginiit ni Pangilinan na hindi dapat magtapos sa pagproseso ng mga permit ang tungkulin ng DENR kundi tungkulin nitong tiyakin ang pangangalaga sa kapaligiran na maaaring maapektuhan ng mga development project.
Pinasusuri ng senador ang kabuuang epekto ng development sa buong watershed mula sa bundok, ilog hanggang sa mga lungsod at sa Manila Bay.
Iminungkahi ni Pangilinan ang pagtatakda ng no-go zones sa critical watersheds, wetlands, mangroves, floodways, at river easements gayundin ng striktong pagsusuri sa mga land conversion na pinagtatayuan ng subdivisions, kalsada, warehouses, at commercial developments.
Dagdag pa rito ang pagpapalakas sa monitoring sa mga quarrying at mining operations at pagsususpinde o pagbawi ng mga permit kapag may paglabag sa environmental safeguards.










