
Nirerespeto ni dating House speaker Ferdinand Martin Romualdez ang korte at mga legal na proseso at tiyak na kanyang haharapin ang mga alegasyon alinsunod sa batas.
Inihayag ito ng abogado at tagapagsalita ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo kasunod ng paghahain ng Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong plunder, laban kay romualdez at iba pa, kaugnay sa flood control scam.
Diin ni Fajardo, hindi naghahangad ng special treatment si Romualdez pero umaapela ito para sa due process at patas na paglilitis na dapat ipagkaloob sa lahat ng mga Pilipino.
Ayon kay Fajardo, ang pananagutang kriminal ay dapat nakabatay sa mga ebidensya na ipipresenta sa korte sa ilalim ng patakaran at mga safeguards sa ilalim ng ating justice system.
Giit ni Fajardo, ang Katotohanan, ebidensya, at patas na proseso ang dapat manaig.










