
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na maibalik ang tinapyas sa budget para sa personnel services at maintenance and other operating expenses ng mga Department of Health-retained hospitals.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations ay binigyang diin ni Tinio na ang pagbawas sa pondo ng Department of Health (DOH) ay tila pagtataksil sa karapatan ng mamamayan sa mahusay na serbisyong pangkalusugan.
Paliwanag ni Tinio, hindi makatwirang bawasan ang alokasyon sa mga pampublikong ospital sa harap ng kakulangan nito sa mga doktor, nurse, at iba pang support staff.
Dagdag pa ni Tino, maging ang zero balance billing ay hindi rin lubos na mapapakinabangan ng mamamayan kung limitado naman ang kapasidad ng ating mga pampublikong ospital dahil hindi sapat ang pondo.
Katwiran naman ng kinatawan ng DOH na humarap sa budget hearing, binawasan ang pondo dahil sa mga bakanteng posisyon pero punto ni Tino, sa halip na ibaba ang pondo ay mas mabuting punan ang naturang mga bakanteng posisyon.










