112 KILO NG BASURA, NAKOLEKTA SA BARORO, LA UNION SA ISINAGAWANG COASTAL CLEANUP

Sa bawat basurang napupulot sa baybayin, hatid nito ang isang hakbang tungo sa mas ligtas na tahanan para sa mga pawikan at mas malinis na kinabukasan sa mga umaasa sa biyaya ng dagat.

Malaking bagay ang isinagawang coastal cleanup sa Baroro, Bacnotan, La Union bilang bahagi ng paggunita sa International Coastal Cleanup.

Layunin ng aktibidad na linisin at alisin ang mga basurang maaaring makapinsala bilang patuloy na pag-aalaga sa dalampasigan ng Baroro.

Umabot sa 112 kilo ng basura ang nakolektang mga plastic wrapper, straw, bottle caps at glass bottles sa isinagawang paglilinis na pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Bacnotan kasama ang Baroro Fisherfolk Association at Ekobayan.

Kabilang ang Bacnotan, La Union sa mga paboritong lugar ng mga pawikan o sea turtle bilang kanilang nesting o pangitlugan kaya itinuturing na mahalaga na panatilihing malinis at ligtas ang lugar na ito.

Samantala, matapos ang cleanup drive isinagawa ang disaster preparedness workshop na nakatuon sa tsunami at storm surge preparedness upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente.

Sa kabuuan, ang pangangalagang ito sa baybayin ay hindi lamang tungkol sa pagpulot ng basura, ito’y tungkol sa pagprotekta sa kalikasan, tahanan ng mga lamang dagat at wildlifes, at kabuhayan ng mga taong nakaugnay sa dagat kaya’t malaki ang epekto ng simpleng pagkilos at sama-samang malasakit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments