Tuesday, November 10, 2026

PUBLIKO, PINAG-IINGAT SA PHISHING AT MGA MAPANLINLANG NA LINK SA GITNA NG PAPALAPIT NA HOLIDAY SEASON

Pinag-iingat ang publiko laban sa tumataas na panganib ng online scams, partikular ang phishing at mga kahina-hinalang link na maaaring magamit sa pagnanakaw ng personal at pinansiyal na impormasyon ngayong papalapit ang holiday season.

Ayon kay Cybersecurity Specialist Tzar Umang, mahalagang maging mapanuri at maingat ang mga gumagamit ng internet at iba pang digital devices, lalo na sa pagtanggap ng mga mensahe at link mula sa hindi kilalang numero o sender.

Paliwanag niya, posibleng ginagamit ang mga kahina-hinalang link upang makuha ang sensitibong impormasyon ng mga biktima, kabilang ang kanilang bank account details at iba pang personal na datos.

Dagdag pa ni Umang, dapat ding mag-ingat sa mga mensaheng nagsasabing nanalo umano ng premyo o papremyo ang isang indibidwal, lalo na kung wala naman itong sinalihang anumang promo o paligsahan.

Binigyang-diin din niya na kasabay ng mas mabilis at madaling pagpapadala ng pera sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ay ang pangangailangang magkaroon ng sapat na kaalaman sa ligtas na paggamit ng mga digital platform.

Kaya naman, pinapayuhan ang publiko na huwag basta-basta magbukas ng mga kahina-hinalang link, magbigay ng personal o banking information, at agad maniwala sa mga mensaheng maaaring gamitin ng mga scammer upang makapambiktima. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments