Friday, August 14, 2026

DFA, nakikipag-ugnayan na sa Philippine Embassy sa Beijing kaugnay ng pagkakaaresto ng 100 pinoy sa China dahil sa iligal na paninirahan doon

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs o DFA sa Philippine Embassy sa Beijing kaugnay ng ulat ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na pagkakaaresto ng 100 Filipino nationals sa China.

Base sa pahayag ng DFA, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Beijing at sa Consulate-General ng Pilipinas sa China matapos mapaulat ang pagkakaresto sa mga Pinoy dahil sa isyu ng iligal na paninirahan sa China.

Ito ay para beripikahin ang detalye sa likod ng mga pag-aresto, ang eksaktong bilang ng mga Pilipinong dinakip at ang kanilang kasalukuyang kalagayan.

Toniyak din ng DFA na masusunod ang due process at magbibigay ng consular assistance sa mga apektadong Pilipino kung kinakailangan.

Iginiit ng ahensiya na iginagalang ng Pilipinas ang pagpapatupad ng China ng kanilang immigration laws at nanawagan sa mga otoridad ng China na siguraduhin ang kapakanan ng mga inarestong Pilipino.

Hiniling din ng Pilipinas sa China na agad na ipagbigay-alam sa mga tanggapan ng foreign service ng Pilipinas ang kanilang pag-aresto at pagkaka-detain.

Facebook Comments