Thursday, May 14, 2026

NBI, itinanggi ang paratang ni Sen. Imee na may utos si PBBM na arestuhin si Sen. Bato “sa kahit anong paraan”

Mariing pinabulaanan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pahayag ni Senadora Imee Marcos na may utos umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na arestuhin si Senador Ronald dela Rosa “sa kahit anong paraan,” kahit may masaktan pa.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na walang inilabas na ganoong utos ang pangulo at wala ring operasyon para hulihin si Dela Rosa sa Senado.

Nilinaw rin ng NBI na kung ang tinutukoy ni Imee ay si Mel Oragon, ang driver na inaresto kaugnay sa insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, hindi ito NBI agent at hindi rin empleyado ng ahensya, kundi volunteer lamang na sumasama sa operasyon.

Ayon kay Matibag, malinaw ang naging direktiba ng pangulo na walang pag-aresto at walang puwersahang pagpasok sa Senado, bilang paggalang sa proseso ng Korte Suprema kaugnay sa hinihinging TRO ni Dela Rosa.

Dagdag pa ng NBI, ang mga tauhang ipinadala sa GSIS compound ay inatasang mag-monitor lamang ng sitwasyon at walang awtoridad na magsagawa ng pag-aresto.

Facebook Comments