Nakaranas ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ang ilang bahagi ng La Union, Pangasinan, Ilocos Sur, at Ilocos Norte matapos magpatupad ng Manual Load Dropping (MLD) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bunsod ng kakulangan sa suplay ng kuryente sa grid noong Mayo 13 hanggang Mayo 14.
Batay sa mga abiso ng mga electric cooperative, kabilang sa mga apektadong lugar sa La Union ang buong bayan ng Caba, Aringay, Agoo, Tubao, Pugo, Sto. Tomas, Rosario, at ilang bahagi ng Bauang.
Apektado rin ang buong bayan ng Sison sa Pangasinan.
Samantala, nakaranas din ng power interruption ang ilang bahagi ng Ilocos Norte na pinaglilingkuran ng Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC), kabilang ang mga lugar na sakop ng Pila, Venvi, at Payas substations.
Naiulat din ang mga apektadong lugar sa Ilocos Sur kaugnay ng pagpapatupad ng MLD bilang bahagi ng direktiba ng NGCP upang mapanatili ang katatagan ng power grid sa rehiyon.
Ayon sa NGCP, pinalawig ang operasyon ng Manual Load Dropping dahil sa teknikal na problemang naranasan habang isinasagawa ang energization sa ilang substation.
Ipinaliwanag ng mga electric cooperative na ang MLD ay pansamantalang hakbang upang maiwasan ang mas malawak at mas matagal na blackout sa buong grid system.
Nagpatuloy din ang rotational power interruptions sa ilang lugar kahapon, Mayo 14 habang hindi pa ganap na naibabalik ang normal na suplay ng kuryente.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga electric cooperative at NGCP upang agad na maibalik sa normal ang serbisyo ng kuryente sa mga apektadong lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




