
Inilabas ng Manila South Cemetery ang schedule ng pagbisita sa sementeryo ngayong Undas, mga paalala at mga ipinagbabawal sa loob ng sementeryo.
Nakatakda ang pagbubukas ng Manila South Cemetery para sa paggunita ng Undas sa Oktubre 31, Nobyembre 1 at Nobyembre 2, mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi.
Bilang paghahanda, itinakda ang Oktubre 26 bilang huling araw ng paglilinis at pagpipinta ng mga puntod.
Samantala, ang Oktubre 28 ang huling araw ng paglilibing at magpapatuloy lamang ito sa Nobyembre 3.
Mula naman Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, ipagbabawal ang pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan, kabilang ang motorsiklo, e-bike, e-trike, scooter at bisikleta.
Pinaaalalahanan din ang mga bibisita na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga alagang hayop, alak, paninigarilyo, iligal na droga, pagsusugal, paggamit ng malalakas na speaker, at pagdadala ng ilegal na armas sa loob ng sementeryo upang matiyak ang maayos at ligtas na paggunita ng Undas.










