2 miyembro ng BIFF, patay sa Maguindanao

Patay ang dalawang mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan Faction matapos na makipagbarilan sa tropa ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion sa Brgy. Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao kaninang madaling araw.

Kinilala ang nasawi na si Omar Indong habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang kasama nito.

Ayon kay Lt. Col. Benjamin Cadiente Jr., ang Commanding Officer ng 33IB isang tricycle umano ang huminto ‘di kalayuan sa checkpoint ng sundalo sa nasabing lugar kahapon ng madaling araw, nang iinspeksyunin na ng tropa ang nasabing sasakyan ay agad nagpaputok ang mga sakay nito.


Ani Cadiente, tumagal ng 7 minuto ang palitan ng putok kung saan mabilis na sinugod ang mga sugatang suspek sa Integrated Provincial Health Office – Maguindanao pero hindi na umabot pa ng buhay ang dalawa.

Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .45 na pistol, magazine at mga bala.

Dahil dito, nasa anim (6) na mga BIFF na ang nasawi habang 175 ang nagbalik-loob sa pamahalaan simula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.

Facebook Comments