Itinutulak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang paggamit ng makabagong makinarya sa pagsasaka bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Sa isinagawang Provincial Corporate Farming Field Day, ipinamalas ng Office of the Provincial Agriculture o OPAG ang iba’t ibang makinarya para sa pagtatanim at pag-aani ng palay.
Kabilang dito ang drum seeder para sa pagsasabog-tanim, mechanical rice planter para sa paglilipat ng punla, at combine harvester para sa mas mabilis na pag-aani.
Ayon kay Provincial Agriculturist Dalisay A. Moya, sa pamamagitan ng mekanisasyon ay makatutulong ito na mapabilis ang mga gawain sa bukid.
Makatutulong din ito na mabawasan ang gastos sa paggawa, partikular sa panahon ng mahabang tag-init at kakulangan sa pag-ulan.
Layunin din ng demonstration na ipakilala sa mga magsasaka mula sa ika-lima at ika-anim na distrito ang mga teknolohiyang maaaring gamitin upang maging mas episyente ang kanilang operasyon.
Patuloy naman ang Pamahalaang Panlalawigan, sa pangunguna ni Governor Ramon V. Guico III, sa pagpapatupad ng mga programa para mapalakas at mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










