
Nasagip ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pinay mula sa posibleng kaso ng human trafficking sa magkahiwalay na insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BI, unang naharang ang 39-anyos na pasahero na nagsabing magbabakasyon lamang sa Malaysia pero kalaunan ay inamin niyang sa Pakistan pala siya magtutungo para magtrabaho bilang cleaner.
Lumabas din na may ibang taong nagbibigay sa kanya ng travel instructions na indikasyon umano ng posibleng illegal recruitment.
Naharang naman kinabukasan ang 25-anyos na babae na unang nagsabing turista lamang siya sa Thailand pero umamin din na sa Myanmar talaga ang kaniyang tunay na destinasyon para magtrabaho sa isang online gaming hub.
Pinangakuan umano siya na bibigyan ng $1,500 kada buwan matapos alukin sa pamamagitan ng isang Telegram group na nakita sa social media.
Agad namang tinulungan ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang dalawang babae at sasampahan din ng kaso ang kanilang recruiter.
Habang muling nagbabala si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado laban sa mga kahina-hinalang alok na trabaho sa ibang bansa lalo na ang mga ipinapadaan sa social media at messaging apps.










