Sunday, August 2, 2026

Resolusyon para bigyang pagkilala ang SB19, inihain sa Senado

Naghain ng resolusyon si Senador Bam Aquino na layong bigyang pagkilala ang P-pop group na SB19 matapos itong maging kauna-unahang Filipino group na nagtanghal sa Lollapalooza Music Festival sa Chicago, Illinois.

Sa Senate Resolution No. 545, sinabi ni Aquino na mahalagang tagumpay ito hindi lamang para sa SB19 kun’di para rin sa OPM dahil ipinakita nito ang lumalawak na pagkilala sa talent ng mga Pinoy sa world stage.

Ginawa ng SB19 ang makasaysayang pagtatanghal noong July 30 sa Grant Park, Chicago sa isa sa pinakamalaki at pinakaprestihiyosong music festivals sa buong mundo.

Habang nasa Chicago, tampok din ang grupo sa isang laro ng Major League Baseball sa pagitan ng Chicago White Sox at New York Yankees, kung saan si Josh ang naghagis ng ceremonial first pitch habang pinatugtog sa stadium ang kanilang hit song na “Gento.”

Kinilala rin ni Aquino ang sunod-sunod na tagumpay ng SB19, kabilang ang pagiging kauna-unahang Filipino act na nanguna sa isang Billboard chart noong 2022 at ang pagde-debut ng awiting “DAM” sa unang puwesto ng Billboard World Digital Song Sales chart noong 2025.

Ngayong August naman, nakatakda ring magtanghal ang SB19 sa Summer Sonic 2026 sa Japan.

Nitong July nang italaga rin sila ng Department of Tourism bilang Tourism Ambassadors ng Pilipinas bilang pagkilala sa kanilang ambag sa pagsusulong ng turismo, kultura, at pagkakakilanlang Pilipino sa buong mundo.

Facebook Comments