Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 at mga katuwang na law enforcement unit sa bisa ng search warrant sa Barangay San Isidro, Agoo, La Union noong Oktubre 14, 2026.
Nasamsam sa operasyon ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 1.53 gramo at tinatayang halagang ₱10,400, kasama ang isang kalibre .38 na baril, anim na bala, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “AA,” 44-anyos na lalaki na itinuturing na high-value target, at “HL,” 25-anyos na babae. Pareho silang residente ng Barangay San Isidro.
Pinangunahan ng PDEA Region 1–La Union Provincial Office ang operasyon katuwang ang Agoo Municipal Police Station, Regional Intelligence Division 1, La Union Provincial Drug Enforcement Unit, Tactical Support Company ng RMFB1, at La Union Provincial Intelligence Unit.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 11 at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa mga kaugnay na kaso hinggil sa nasamsam na baril at mga bala.
Sa patuloy na pagpuksa sa ilegal droga, iniulat din ng PDEA na umabot sa 84.46 porsiyento ang conviction rate ng mga naresolbang kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa buong bansa mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hunyo 30, 2026.
Batay sa datos ng ahensya, 67,330 sa 79,717 naresolbang kaso ang nagresulta sa hatol na pagkakasala, habang 6,992 ang nauwi sa acquittal at 5,395 ang na-dismiss.
Binigyang-diin ng PDEA na mahalaga hindi lamang ang pag-aresto at pagsamsam ng ilegal na droga kundi pati ang maayos na paghawak sa ebidensya, paghahanda ng mga kaso, at pakikipag-ugnayan sa mga tagausig upang maiharap nang wasto ang mga kaso sa korte. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










