Tuesday, September 1, 2026

21-anyos na lalaki na naliligo sa Pasig River, nalunod

Patay ang isang 21 anyos na lalaki na kinilalang si Kevin Tarlino, matapos malunod habang masayang naliligo kasama ang kaniyang mga barkada, sa bahagi ng Ilog Pasig sa Barangay Bambang kahapon lamang, August 31.

Ayon sa kaniyang mga kaibigan, inakala ng mga ito na nagbibiro lamang na nalulunod dahil nakangiti ang biktima, hanggang sa kasawiang palad ay hindi na ito tuluyang naiangat ang kaniyang ulo.

Sa isinagawang rescue operation ng Pasig local government unit (LGU), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG), mag-a-alas singko ng hapon ng August 31, bangkay na ng matagpuan si Kevin.

Ayon sa medic ng barangay, hindi malakas ang current ng ilog kahapon dahil katatapos lamang ng pag-ulan.

Ngunit, delikado pa rin ang bahagi ng Ilog Pasig dahil sa ilang parte nito na biglang lalim.

Nahirapan rin hanapin ng mga otoridad ang biktima dahil sa malabong tubig ng Pasig River.

Ayon sa kaanak ni Kevin, hindi ito nagpaalam na maliligo kasama ang mga barkada. Kaya lubhang ikinagulat nila ang pagkamatay nito.

Nagpaalala ang mga otoridad na ipinagbabawal ang pagligo sa Pasig River dahil sa posibleng panganib na maari nitong maidulot.

Para sa mga nais magpadala ng tulong pinansyal, nakatakdang iburol si Kevin sa Villa Alfonso Gymn sa Brgy. Bambang, Pasig City kung saan maaring personal na ipaabot ang pakikiramay at suporta sa kaniyang pamilya.

Facebook Comments