Tuesday, September 1, 2026

2 military officers na humarap ngayong araw sa impeachment trial, hindi alam na ginamit sa liquidation ng confidential funds ang idinaos na Youth Leadership Summit

Hindi alam ng dalawang military officers na gagamitin ng Department of Education (DepEd) sa liquidation ng confidential funds ang military certification na kanilang inisyu para sa pagsasagawa ng Youth Leadership Summit (YSL) noong 2023.

Sa Day 20 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, humarap sina Army Col. Manaros Boransing II at Army Col. Magtanggol Panopio para tumestigo tungkol sa mga sertipikasyon na kanilang inisyu na ginamit ng DepEd para sa pagpapaliwanag sa paggamit ng ₱15.54 million na confidential funds ng ahensiya.

Sa paglilitis ay inamin ni Boransing mula sa naging pagtatanong ni Senator-judge Ping Lacson na hindi niya alam na gagamitin pala sa liquidation ng confidential funds ang inisyu niyang certification.

Sinabi rin ni Boransing na hindi siya intelligence expert kaya hindi niya masasagot ang patungkol sa mga usapin sa intelligence.

Maging si Panopio ay sinabing nalaman lang nila ang tungkol sa paggamit ngn DepEd sa certification para sa liquidation ng confidential funds noong nagsagawa ng pagdinig ang Kamara noong Oktubre 17, 2024.

Inamin din ng military officer matapos matanong ni Atty. Reynaldo Robles ng prosecution team na nagulat siya na ginamit sa pagpapaliwanag ng confidential funds ang kanilang certification.

Paliwanag ni Panopio, ang naturang certification ay bilang patunay sa matagumpay na pagsasagawa ng YSL at hindi nito sinesertipika ang paggamit ng anumang pondo.

Facebook Comments