
Naniniwala ang Malacañang na maiiwasan sana ang mga nararanasang malawakang mga pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar kung nasunod ang master plan na ilang dekada nang nakalatag.
Sa press briefing ngayong araw, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na hindi nasunod ang mga master plan para sa Metro Manila at Cebu.
Paliwanag ni Castro, maraming lugar ang tinayuan ng mga imprastraktura kahit hindi dapat na nagresulta sa pagbaha.
Sa ngayon aniya ay nakatutok naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mabilisang remedyo para sa mabilis na pagbaha.
Samantala, tiniyak naman ng Malacañang na may ginagawa ang administrasyon para solusyonan ang problema at nakikita rin daw ito kahit nina Rep. Toby Tiangco at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Nitong weekend, maraming lugar sa Metro Manila ang nalubog sa baha maliban sa Navotas City batay na rin sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay dahil sa mga pumping station, floodgate, drainage system, at dike ng lungsod.
Sinabi ni Tiangco na ipinakita ng sitwasyon ang kahalagahan ng maayos na flood-control infrastructure, lalo na kapag dumating ang matinding ulan.
Hindi rin aniya kailangang magarbo ang mga proyekto kundi tama ang engineering, regular ang maintenance at gumagana ang mga pasilidad kapag kinakailangan.










