Paiigtingin ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang dredging operations sa tatlong pangunahing ilog sa Dagupan City, Pangasinan, bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mabawasan ang pagbaha sa lungsod.
Batay sa naging presentasyon ng DPWH Regional Office One, kabilang sa mga tututukang daluyan ng tubig ang Pantal River, Patogkawen Creek, at Sinucalan River.
Ayon sa presentasyon, kabilang sa mga salik na nakaapekto sa patuloy na dredging ang mga problema sa fish pens at basura.
Samantala, magtutuloy-tuloy naman ang magiging operasyon ng dredging sa tatlong ilog sa lungsod na parte ng hakbang laban sa pagbaha, alinsunodsa pambansang programa na Oplan Kontra Baha.
Inaasahang makatutulong ang pagpapalakas ng paglilinis at dredging sa mga ilog upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa mga barangay ng Lasip Chico, Malued, Bacayao Sur, Bacayao Norte, Caranglaan, Pogo Grande, Lasip Grande, Pogo Chico, Herrero-Perez, at Mayombo.
Patuloy namang makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa DPWH upang makabuo ng pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha at matiyak ang kaligtasan ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










