22 TWO-WAY RADIO, PANGUNAHING GAMIT SA CALAMITY RESPONSE NG BARANGAY HERRERO-PEREZ, DAGUPAN CITY

Dalawampu’t dalawang two-way radio ang ginagamit ngayon ng mga kawani ng Barangay Herrero-Perez sa Dagupan City bilang pangunahing kasangkapan sa kanilang calamity at emergency response.

‎Nagsisilbi itong mabilis na linya ng komunikasyon ng mga barangay personnel upang agad na maipasa ang mahahalagang impormasyon, partikular sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency situation.


‎Ayon kay Punong Barangay Generoso Gomez, malaking tulong ang mga two-way radio sa kanilang operasyon, lalo na’t kabilang ang kanilang lugar sa mga barangay na madalas makaranas ng malawakang pagbaha.



‎Bukod sa pagtugon sa pagbaha, naging mahalaga rin ang radio communication sa isang insidenteng kinailangan ng agarang atensyong medikal.

‎Ayon kay Gomez, mabilis nilang natulungan at nadala sa ospital ang isang indibidwal na pinaghihinalaang may sintomas ng leptospirosis, matapos agad na maipasa sa kanilang mga personnel ang impormasyon gamit ang two-way radio.


‎Dahil dito, iminungkahi ng punong barangay na magkaroon din ng ganitong uri ng communication equipment ang iba pang barangay.

‎Aniya, makatutulong ang two-way radio sa mas mabilis na koordinasyon at pagtugon sa mga emergency, lalo na sa panahon ng kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments