Isinagawa nitong Huwebes, September 10, 2026, ang ikatlong quarter ng Nationwide Earthquake Drill 2026, kung saan sabay-sabay na nakibahagi ang mga ahensya ng gobyerno, paaralan at private sector sa pagpapatupad nito.
Ayon sa Office of Civil Defense, mahalagang maging pamilyar ang publiko sa mga exit points, medical kits, fire extinguisher at evacuation plan bago pa man mangyari ang sakuna.
Sa oras ng lindol, isagawa ang Duck, Cover and Hold, lumayo sa mga babasaging kagamitan at agad na magtungo sa exit area.
Pagkalabas, pinapayuhang lumayo sa mga gusali, puno, poste at landslide-prone areas.
Mahalaga rin umanong agad suriin ang sariling kalagayan at ng mga miyembro ng pamilya, lalo na ang mga buntis, bata at nakatatanda, upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Hinikayat naman ang publiko na patuloy na makibahagi sa mga earthquake drill upang maging pamilyar at awtomatiko ang tamang kilos sakaling aktuwal na maranasan ang paglindol. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







