Sunday, September 6, 2026

Unang araw ng 2026 Bar Exams, aarangkada na ngayong umaga

Sa kabila ng pabugso-bugsong pag-ulan ngayong Linggo ng umaga, tuloy ang 2026 Bar Examinations para sa mga magiging bagong abogado ng bansa.

Pasado alas-kuwatro ng umaga nang magsimulang pumasok ang mga kukuha ng pagsusulit sa iba’t ibang testing centers, kabilang na dito ang University of Santo Tomas sa Maynila.

Bago makapasok sa gate ng UST, kabi-kabilang law students mula sa maraming unibersidad ang pinalalakas ang loob ng mga bar takers at nagchi-cheer sa mga ito.

Nananatili namang mahigpit ang seguridad kung saan bantay-sarado ng mga tauhan ng Manila Police District ang paligid ng unibersidad.

Nag-ikot din si Manila Mayor Isko Moreno at MPD Director Police BGen. Arnold Santiago sa UST para tiyakin ang seguridad at kaayusan para sa lahat ng mag-e-exam.

Ayon sa Supreme Court, 15 ang itinalagang testing centers ngayong taon, kung saan pito ang nasa Metro Manila, tatlo sa Luzon, tatlo sa Visayas, at dalawa sa Mindanao.

Dito sa NCR, ito ay ang New Era University, University of Santo Tomas, San Beda University sa Maynila, Ateneo de Manila University School of Law, Manila Adventist College, University of the Philippines-Bonifacio Global City, at San Beda College Alabang.

Alas-8 ng umaga naman mamaya magsisimula ang morning session ng Bar Exams hanggang alas-dose ng tanghali at itutuloy alas-2 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.

Pagkatapos ngayong araw, babalik ulit ang mga bar takers sa September 9 at 13 para sa Day 2 at Day 3 ng 2026 Bar Exams.

Facebook Comments