
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP – CIDG) na hindi aksidente ang nangyaring pagkalunod ng dalawang Ateneo basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Aurora.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Robert Morico II, sa inisyal nilang imbestigasyon, hindi nangyari sa tapat ng resort ang insidente.
Nangyari ito 700 meters ang layo mula sa nasabing resort at 300 meters naman ang layo nang matagpuan ang mga nasabing nasawing atleta matapos na anurin ng malakas na alon sa nasabing lugar.
Kaugnay nito, kasama sa mga tanong sa imbestigasyon ng CIDG ay kung bakit kailangan pang sa tubig isagawa ang training lalo na at hindi pantay ang shoarline sa nasabing dagat.
Ayon pa kay Morico, base sa salaysay ng mga manlalaro, sila ay naglalakad at nagsasasagawa ng stationary jog sa katubigan para umano tumibay ang kanilang mga paa.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng CIDG kaugnay ng insidente at muli na rin silang nagisyu ng panibagong subpoena sa mga coach at iba pa.










