3 Lider ng NPA kabilang ang tubong Isabela na Napatay sa Bakbakan sa Cagayan, Naiuwi na ang mga Bangkay

25
Cauayan City, Isabela- Napasakamay na ng kasundaluhan sa kani-kanilang pamilya ang mga labi ng tatlong lider ng New People’s Army (NPA) na napatay sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at makakaliwang grupo.

Naiuwi na ang bangkay ni Saturnino Agonoy alias Peping ng kanyang kapatid sa Montealegre, Amulung habanag ang katawan naman ni Mark Gomes alias Uno ay napasakamay na sa kanyang ama at kasalukuyan na pinaglalamayan sa kanilang tahanan sa Luna, Isabela at ang labi ni Augusto Dela Cruz alias Val ay nakuha ng kanyang mga kapatid at naiuwi na sa kanilang lugar sa Piat, Cagayan.

Matatandaan na noong Huwebes, Abril 14,2022 ng nakasagupa ng mga rebelde ang militar na nagresulta ng pagkasawi ng tatlong lider sa Brgy. Virginia, Sto. Niño, Cagayan.

Pawang mga miyembro ng Komiteng Probinsya (KOMPROB) Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) ang mga napatay na lider.

Sa kabila nito, patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa iba pang natitirang rebeldeng grupo na magbalik loob na sa pamahalaan para magkaroon ng tahimik na buhay at mapabilang sa mga programa ng gobyerno.

Samantala, nakikipag ugnayan na rin ang hanay ng 17th Infantry Battalion sa ilang mga ahensya ng pamahalaan sa posibleng tulong na maiabot sa naulilang pamilya ng mga nasawi.

Facebook Comments