Patuloy ang pangangalap ng mungkahi mula sa mga manggagawa at employer sa Region 1 bilang batayan sa posibleng pagbabago sa umiiral na minimum wage na ₱505 kada araw sa rehiyon.
Isinagawa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-1), katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1, ang ikalawang pampublikong pagdinig noong Oktubre 8 sa Vigan City, Ilocos Sur, na dinaluhan ng 107 manggagawa, employer at iba pang stakeholder.
Tinalakay sa pagdinig ang kalagayang sosyo-ekonomiko sa rehiyon, presyo ng mga pangunahing produktong agrikultural at iba pang bilihin, gayundin ang mga pananaw ng magkabilang panig hinggil sa kasalukuyang antas ng sahod.
Nagpatuloy naman ngayong Oktubre 9 ang serye ng mga konsultasyon sa Ilocos Norte Provincial Capitol Auditorium sa Laoag City.
Ayon kay RTWPB-1 Chairperson at DOLE Region 1 Regional Director Honorina Dian-Baga, mahalagang isaalang-alang ang mga mungkahi ng mga manggagawa at employer, kasama ang mga datos pang-ekonomiya, upang makabuo ng angkop at patas na pasya sa minimum wage.
Layunin ng mga pagdinig na matimbang ang pangangailangan ng mga manggagawa para sa sapat na sahod at ang kakayahan ng mga negosyo na mapanatili ang kanilang operasyon at trabaho para sa mga empleyado.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang mga konsultasyon at pagsusuri ng RTWPB-1.
Wala pang pinal na desisyon kung magkakaroon ng pagbabago sa kasalukuyang minimum wage na ₱505 kada araw sa Region 1. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










