ESTUDYANTENG TINAKOT AT SINAKTAN SA DAGUPAN CITY, NANAWAGAN NG MAS MAHIGPIT NA SEGURIDAD; LALAKING UMANO’Y NANAKIT, KALABOSO

Matapos mag-viral sa social media ang video ng umano’y pananakit sa isang estudyante sa Dagupan City, nananawagan ang biktima para sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga pangunahing lansangan at pampublikong lugar upang maiwasang maulit ang kaparehong insidente.

Kuha sa video noong Oktubre 5, 2026 ang isang lalaki na lumapit sa estudyanteng si Alexandra Gayle Pol habang bumibili ito sa isang establisimyento.

Ayon sa biktima, unang nakipag-fist bump ang lalaki at humingi umano ng limos. Nang sabihin niyang wala siyang dalang cash, dito na umano nagsimulang magbanta ang lalaki.

Dahil sa takot, sinabi ng estudyante na muli siyang nakipag-fist bump sa lalaki sa pag-asang aalis na ito. Ngunit bago tuluyang lumayo, bigla umano siyang sinuntok nang malakas sa kamay.

Kasunod ng insidente, nagtungo kahapon sa himpilan ng pulisya ang biktima at naghain ng pormal na reklamo. Agad namang kumilos ang mga awtoridad at dinakip ang lalaking itinuturong sangkot sa insidente.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at isinasailalim sa kaukulang proseso kaugnay ng reklamong inihain laban sa kanya.

Ayon sa pulisya, iko-coordinate rin ang insidente sa City Health Office, City Social Welfare and Development Office at barangay upang matukoy at maibigay ang naaangkop na intervention sa lalaking sangkot at makatulong na maiwasang maulit ang katulad na insidente.

Kasabay nito, iginiit ng biktima ang kahalagahan ng mas nakikitang presensya at mas pinaigting na pagbabantay ng mga awtoridad sa matataong lugar, partikular sa mga lugar na madalas daanan ng mga estudyante, mamimili at iba pang pedestrian.

Para kay Alexandra, hindi lamang ito tungkol sa kanyang personal na karanasan. Nais niyang magsilbing wake-up call ang nangyari upang mas maprotektahan ang publiko at maiwasang may iba pang makaranas ng kaparehong insidente.

Mahalaga umano na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad kapag nakararanas o nakasasaksi ng pagbabanta o pananakit, at iwasang direktang komprontahin ang sinumang maaaring magdulot ng panganib. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments