
CAUAYAN CITY-Maaaring mapatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mapapatunayang nagkaroon ng kapabayaan kaugnay ng insidenteng naganap sa Bubble Fun Run sa South Central School, kung saan nasawi ang dalawang estudyante.
Sa panayam ng IFM News Team kay Sangguniang Panlungsod Miko Delmendo, sinabi nitong batay sa impormasyon mula sa Department of Education o DepEd, hindi umano inaprubahan ang nasabing aktibidad.
Dahil dito, posible umanong magkaroon ng kaukulang pananagutan ang mga taong nasa likod ng naturang aktibidad, sakaling mapatunayang may paglabag o kapabayaan.
Samantala, bubuo rin ang Sangguniang Panlungsod ng isang ordinansa na magtatakda ng mas malinaw na safety requirements bago maisagawa ang mga aktibidad na kinasasangkutan ng mga estudyante.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng sapat na safety measures, emergency response plan, at kinakailangang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak na handa ang lahat bago isagawa ang isang aktibidad.
Layunin ng panukala na maiwasan ang insidenteng katulad ng nangyari sa South Central School at higit na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at kung sinu-sino ang maaaring managot, kung mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan o paglabag sa mga itinakdang proseso.










