3 MANGINGISDA, ARESTADO SA ILEGAL NA PANGINGISDA GAMIT ANG COMPRESSOR SA SUAL

Tatlong mangingisda ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Philippine Coast Guard matapos mahuling gumagamit umano ng compressor bilang breathing apparatus sa iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Cabalitian, Sual nitong madaling-araw ng Mayo 17, 2026.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong 1:30 ng madaling-araw nang makatanggap ng tawag ang Sual Municipal Police Station hinggil sa umano’y nagaganap na ilegal na pangingisda malapit sa Cabalitian Island.

Agad nagsagawa ng joint seaborne patrol ang mga tauhan ng Sual PNP Maritime Group at Philippine Coast Guard na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek na pawang mga mangingisda at residente ng Alaminos City, Pangasinan.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Provincial Ordinance No. 107-2003 o ang ordinansang nagbabawal sa paggamit ng compressor bilang breathing apparatus sa anumang uri ng pangingisda. Matapos ang operasyon, dinala ang mga naaresto sa Barangay Hall ng Cabalitian kung saan isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang kagamitan sa harap ng mga opisyal ng barangay.

Kabilang sa mga nasamsam ang isang motorized banca, compressor at compressor tank, dalawang spear gun, improvised paddles, diving mask, flashlight, mga plastic compressor hose, at tinatayang 10 kilo ng samu’t saring isda na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P2,000.

Dinala ang mga suspek sa Sual MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon, habang nananatili sa kustodiya ng Sual PNP Maritime Group ang impounded na motorized banca. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments