LIMANG MOST WANTED PERSONS, ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON NG PRO 1

Limang most wanted persons ang naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa magkakahiwalay na operasyon noong Hunyo 23, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga taong may nakabinbing warrant of arrest.

Sa Quezon City, naaresto ng mga operatiba ng Vigan City Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Quezon City Police District, ang isang junk dealer na residente ng Vigan City, Ilocos Sur. Ang suspek ay nakalista bilang Top 7 Most Wanted Person sa lalawigan at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa Dagupan City, nadakip naman ng mga tauhan ng Dagupan City Police Station 2, kasama ang CIDMU at CIU, ang isang lalaking estudyante na residente ng lungsod. Siya ay itinuturing na Top 2 Most Wanted Person sa antas ng lungsod at nahaharap sa kasong rape.

Sa hiwalay na operasyon, inaresto rin ng Station 6 ng Dagupan City Police Office, katuwang ang CIU, CMFC, at CIDMU, ang isang construction worker na residente ng Dagupan City. Nakalista siya bilang Top 3 Most Wanted Person sa city level dahil sa paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala, sa bayan ng Sugpon, Ilocos Sur, naaresto ng Sugpon Municipal Police Station, kasama ang PIU, PDEU, at PDEA-ISPO, ang isang barangay kagawad na nakatala bilang Top Most Wanted Person.
Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165. Umabot sa kabuuang P320,000 ang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Sa Caba, La Union, nadakip naman ng Caba Municipal Police Station, katuwang ang PIDMU at PIU, ang isang magsasaka na nakalista bilang Top Most Wanted Person sa municipal level. Nahaharap siya sa kasong Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansang P120,000.

Ayon sa PRO 1, patuloy nilang paiigtingin ang kanilang operasyon upang maaresto ang mga taong may kinahaharap na kaso at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa buong rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments