3 MANGINGISDA, NILIGTAS MATAPOS MAPADPAD SA DAGAT

20
Cauayan City, Isabela- Maswerteng nailigtas ang tatlong mangingisda sa baybayin ng Abulug, Cagayan matapos sumadsad ang lampitaw na sinasakyan ng mga ito kamakailan.

Ayon sa mga mangingisda na sina Zaldy Malapit, Wilson Panco at Windel Pancho na mula sa Fuga Island, Aparri, Cagayan, galing umano sila ng Sta Ana, Cagayan at pauwi na sa Fuga Island ng unti-unti silang tangayin ng malalakas na hangin na sinabayan pa ng pagkasira ng makina ng kanilang lampitaw na naging sanhi ng pagsadsad ng tatlo sa baybayin ng Brgy Centro sa Bayan ng Abulug.

Pagsapit ng umaga, humingi agad ng tulong ang mga mangingisda sa mga awtoridad na agad namang nirespondehan ng tauhan ng PNP Abulug sa pangunguna ni PLT Shiela Joy N Fronda, Deputy Chief of Police ng nasabing pulisya.

Nag-abot din ng tulong-pinansyal upang ibili ng Gasolina at pagkain upang makauwi na sa kanilang tahanan si Hon. Jesus Emmanuel P. Vargas, Mayor ng nasabing bayan nang malaman nito ang kalagayan ng tatlong mangingisda.

Lubos ang pasasalamat ng tatlong mangingisda sa agarang pag-aksyon at pagtulong sa kanila ng mga awtoridad at ni Mayor Vargas.

Facebook Comments