Inaanyayahan ang publiko na makiisa sa isang job fair na gaganapin sa Mayo 1, 2026, alas-8:00 ng umaga sa ikatlong palapag ng CB Mall Event Center, na naglalayong magbigay ng mas maraming oportunidad para sa disenteng trabaho.
Sa pakikipagtulungan ng DOLE Eastern Pangasinan Field Office – Rosales at PESO – Urdaneta City, tampok sa aktibidad ang iba’t ibang lokal at overseas na trabaho mula sa mga kalahok na employer. Inaasahang makatutulong ito sa mga naghahanap ng trabaho upang makahanap agad ng angkop na mapapasukan.
Magkakaroon din ng on-the-spot hiring kung saan maaaring direktang matanggap ang mga kwalipikadong aplikante. Maraming bakanteng posisyon ang bukas para sa iba’t ibang kasanayan at karanasan, kaya hinihikayat ang lahat ng interesadong dumalo at maghanda ng kanilang mga kinakailangang dokumento.
Bukod sa mga oportunidad sa trabaho, may nakahandang mga papremyo at insentibo para sa mga dadalo. Ang unang 150 aplikante ay makatatanggap ng instant prizes, habang ang ika-124 na aplikante ay magkakaroon ng espesyal na gantimpala. Mayroon ding karagdagang tokens at rewards para sa mga agad na matatanggap, gayundin ang mga pakinabang para sa mga kalahok na employer.
Layunin ng aktibidad na ito na pagsama-samahin ang mga sektor ng paggawa at industriya upang makapaghatid ng mas maraming oportunidad, at isulong ang isang inklusibong pag-unlad para sa lahat. Sa sama-samang pagkilos, mas mapapalapit ang layunin ng pagkakaroon ng disenteng trabaho para sa bawat mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








