Tatlumpung barangay sa mga bayan ng San Jacinto at Manaoag sa Pangasinan ang napili bilang mga benepisyaryo ng mga kagamitang medikal sa ilalim ng PowerPulse Package.
Isinagawa ang turnover ceremony ng programa noong Oktubre 16, 2026, sa pangunguna ng Dagupan Electric Corporation o DECORP, katuwang ang GNPower Mariveles Energy Center Ltd. Co. sa ilalim ng Aboitiz Power.
Mula sa 30 benepisyaryong barangay, apat ang matatagpuan sa San Jacinto habang 26 naman ang nasa Manaoag.
Kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan ang blood pressure monitor, digital thermometer, pulse oximeter, first aid kit, glucometer at mga test strip, nebulizer, wheelchair, walker, oxygen tank, oxygen regulator, at hot compress, kasama ang iba pang kagamitang pangkalusugan.
Layunin ng inisyatibong ito na matulungan ang mga Barangay Health Worker na magkaroon ng mga kinakailangang kagamitan sa pagbibigay ng agarang at batayang serbisyong medikal sa kanilang mga komunidad.
Inaasahang makatutulong ang programa sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga lugar na limitado ang access sa mas komprehensibong pasilidad medikal. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










