MGA LIKHANG-SINING NG PANGASINAN, ITINAMPOK SA MANILA FAME 2026

Sa bawat hibla, hulma, at disenyong nabubuo sa malikhaing mga kamay ng mga Pangasinense, masisilayan ang yaman ng kultura, husay, at pagkamalikhain ng lalawigan.

Muling nabigyan ng entablado ang mga natatanging produktong likha ng mga Pangasinense matapos lumahok ang anim na micro, small, and medium enterprises o MSMEs mula Pangasinan sa Manila FAME 2026 na ginanap sa World Trade Center sa Pasay City.

Kabilang sa mga kinatawang negosyo ang Olly & Felly ng Bolinao; Bandulf Industries, Gemma’s Souvenirs, at E-Kawayan Factory ng Alaminos City; Lapey Loom Weaving ng Umingan; at Crafter’s Joy Cornhusk Products ng Basista.

Sa kanilang mga likha, tampok ang makukulay at malikhaing produktong gawa sa kamay na nagpapakita ng talento at husay ng mga lokal na artisan.

Mula sa paggamit ng mga raw materials hanggang sa paglikha ng mga produktong may disenyong hango sa kalikasan at kultura, ipinamalas ng mga negosyo ang potensiyal ng mga likhang Pangasinense sa mas malawak na pamilihan.

Higit pa sa pagpapakita ng kanilang mga produkto, nagsisilbi ring mahalagang oportunidad ang paglahok sa Manila FAME upang maipakilala ng mga MSME ang kanilang mga likha sa mas maraming mamimili at makahanap ng mga bagong oportunidad sa negosyo.

Sa pamamagitan nito, nabubuksan ang posibilidad na makilala ang mga produktong mula sa Pangasinan hindi lamang sa lokal na merkado kundi maging sa pandaigdigang pamilihan.

Sa bawat produktong likha ng mga Pangasinense, hindi lamang galing at pagkamalikhain ang naipapakita, kundi pati ang kulturang patuloy na nagbibigay-buhay sa kanilang mga disenyo.

Patunay ang kanilang paglahok sa Manila FAME 2026 na ang mga likhang lokal, kapag nabigyan ng tamang pagkakataon at pagkilala, ay may kakayahang makipagsabayan sa mas malawak na merkado—bitbit ang identidad, kultura, at husay ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments