
Kinumpirma ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG), na nasawi ang 4 na kidnapper sa nangyaring rescue operations sa Paranaque City, kagabi.
Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame sinabi ni PNP-AKG Director PBGen. Glicerio Cansilao sa isinugod pa sa ospital ang mga nasabing suspek ngunit dineklara itong dead on arrival.
Ayon pa sa kanya, ang 2 sa apat na nasawing kidnapper ay napag-alaman na mga dismissed na pulis.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Cansilao na dati nang may mga kaso ng kidnapping incident ang nasabing grupo.
Ayon kay Cansilao, nanghingi umano ng ransom na nagkakahalaga ng 50 million pesos ang mga suspek para sa kalayaan ng 78 taong gulang na biktima na isang businessman at Indian national na na-naturalized Filipino citizen na sa bansa.
Nakapagbigay naman ng 10 million pesos ang pamilya ng biktima at dito na isinagawa ng mga operatiba ang rescue operation kung saan nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga pulis at suspek.
Ayon naman kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, bagaman cased solved na ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon kung may iba pang mga sangkot sa nasabing insidente.










