Apatnapung pares ng mga Dagupeño ang opisyal na nag-isang dibdib sa isinagawang Libreng Kasalang Bayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-79 na Agew Na Dagupan ngayong Huwebes, Hunyo 18, sa City Plaza.
Sa ilalim ng programang “May Forever,” nagtipon ang mga magkasintahan upang pagtibayin ang kanilang pagmamahalan at legal na pagsasama sa isang makabuluhang seremonya na dinaluhan ng kanilang mga pamilya at kaibigan.
Naging tampok sa programa ang patimpalak para sa Longest Kiss, kung saan ang mananalo ay tatanggap ng ₱5,000 cash prize. Nagbigay rin ng saya at kilig sa mga dumalo ang ceremonial cake eating at ang unang sayaw ng mga bagong kasal bilang mag-asawa.
Ang Libreng Kasalang Bayan ay isa sa mga taunang programa ng pamahalaang lungsod na naglalayong tulungan ang mga magkapareha na gawing legal ang kanilang pagsasama habang ipinagdiriwang ang pagkakaisa at pagmamahalan sa komunidad.
Patunay ang programa na sa Dagupan City, marami pa ring naniniwala na tunay ngang may forever. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










