Patuloy na isinusulong ng mga health workers sa Alaminos City ang kalusugan at kapakanan ng mga bata sa pamamagitan ng regular na pagbabakuna na isinagawa sa Barangay Health Center sa ilalim ng programang Baby’s Immunization Day.
Layunin ng programa na mabigyan ng kinakailangang bakuna ang mga sanggol at bata upang maprotektahan sila laban sa iba’t ibang sakit at mapanatiling malusog ang kanilang pangangatawan.
Bilang bahagi ng aktibidad, nagbigay ng health lecture si DOH Nurse Maureen May Ramos tungkol sa Pinggang Pinoy at kahalagahan ng pagbabakuna para sa mga bata. Tinalakay niya ang wastong nutrisyon at ang mahalagang papel ng mga bakuna sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan at proteksyon ng mga kabataan laban sa iba’t ibang karamdaman.
Ayon sa mga health personnel, mahalagang gabayan ang mga magulang sa pagpapalaki ng malulusog, matatalino, at protektadong mga anak sa pamamagitan ng tamang pagkain at kumpletong immunization.
Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagbabakuna, napapalakas ang resistensya ng mga bata laban sa mga sakit at natitiyak ang kanilang mas ligtas at mas maayos na kinabukasan.
Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak sa mga itinakdang iskedyul ng pagbabakuna upang mapanatiling malusog at ligtas ang buong komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









