Wednesday, October 14, 2026

43-ANYOS NA HIGH-VALUE DRUG SUSPECT, ARESTADO SA URDANETA; ₱314K HALAGA NG SHABU, BARIL AT MGA BALA, NASAMSAM

Arestado ang isang 43-anyos na lalaki na itinuturing na high-value individual o HVI sa isang operasyon ng Police Regional Office 1 sa Urdaneta City, Pangasinan noong Oktubre 11, 2026.

Nasamsam sa operasyon ang 46.30 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱314,840.

Isinagawa ang pag-aresto sa pamamagitan ng pagpapatupad ng search warrant ng Regional Police Drug Enforcement Unit 1 bilang lead unit, sa suporta ng Regional Intelligence Division 1 at Urdaneta City Police Station.

Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska rin sa operasyon ang isang stainless STI Executive caliber .45 pistol, 77 pirasong bala para sa caliber .45, 9mm at .380 na mga baril, at isang magazine ng caliber .45 pistol na may lamang pitong bala.

Ayon sa PRO 1 sa pamumuno ni PBGEN Crisaleo R. Tolentino, patuloy nilang pinaiigting ang mga operasyong nakabatay sa intelihensiya laban sa ilegal na droga at iba pang krimen, lalo na sa mga indibidwal na kinikilalang high-value targets.

Binigyang-diin din ng PRO 1 ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensiya at komunidad upang mapalakas ang kaligtasan ng publiko at masugpo ang pagkalat ng ilegal na droga at mga hindi lisensiyadong baril, habang tinitiyak na ang mga operasyon ng pulisya ay sumusunod sa batas at gumagalang sa mga karapatan ng bawat indibidwal. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments