Wednesday, October 14, 2026

THE MEDICAL CITY, PINAIIGTING ANG DEKALIDAD AT ABOT-KAYANG SERBISYONG MEDIKAL SA CENTRAL AT NORTH LUZON

Mas pinalalakas ng The Medical City ang paghahatid ng dekalidad, makabago at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa Central at North Luzon upang hindi na kailangang bumiyahe pa patungong Metro Manila ang mga pasyenteng nangangailangan ng mas mataas na antas ng pangangalagang medikal.

Ito ang naging sentro ng talakayan sa The Medical City Media Meet 2026 na idinaos noong Lunes, Oktubre 12, sa Swissôtel Clark, Pampanga, na dinaluhan ng mga kinatawan ng media at piling Key Opinion Leaders.

Pinangunahan ang pagtitipon nina The Medical City President and Group CEO Dr. Stuart A. Bennett, The Medical City Clark Hospital Director Earline D. Borlongan, at The Medical City Pangasinan President and CEO Dr. Juan Antonio Maximiano R. Escano.

Ayon kay Dr. Escano, isa sa mga hamong nais nilang tugunan ang pananaw ng ilang Pangasinense na kinakailangan pang magpunta sa Maynila upang makakuha ng dekalidad na serbisyong medikal.

Binigyang-diin ni Escano na kabilang sa pangunahing prayoridad ng The Medical City ang pagpapalakas ng emergency at critical care services upang mas mahusay na matugunan ang mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon.

Layunin din nitong mapalawak ang serbisyong medikal hindi lamang sa Pangasinan kundi maging sa iba pang lalawigan sa Region 1.

Kasabay nito, nilinaw ng opisyal na hindi lamang pagpapalawak ng negosyo ang dahilan ng patuloy na pagpapahusay sa ospital, kundi ang mas maraming mamamayang matulungan.

Tiniyak din nitong pinagsisikapang mapanatiling abot-kaya ang kanilang mga serbisyo nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng pangangalagang medikal.

Samantala, kabilang din sa mga tinalakay sa Media Meet ang mga programa, inobasyon at estratehiya ng The Medical City upang higit pang mapalawak ang access sa healthcare sa Central at North Luzon.

Binigyang-halaga rin ang papel ng media sa pagpapalaganap ng wastong impormasyon tungkol sa mga serbisyong pangkalusugan at sa pagpapataas ng kamalayan ng publiko sa mga pasilidad na maaari nilang lapitan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣a

Facebook Comments