Saturday, October 10, 2026

Tangkang pagpupuslit ng ₱700-M na bigas mula sa Vietnam, iimbestigahan ng Senado

COURTESY: Senate of the Philippines

Magsasagawa ng pagdinig ang komite ni Senator Kiko Pangilinan kaugnay ng tangkang pagpupuslit ng humigit-kumulang ₱700 milyon halaga ng bigas mula Vietnam.

Ang Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform na pinamumunuan ni Pangilinan ang mangunguna sa imbestigasyon.

Sinabi ni Pangilinan na ang insidente ay nagdulot ng seryosong pangamba sa patuloy na kawalan ng conviction ng mga malalaking smuggler at kung paanong ang tila kawalan ng parusa ay nagbibigay-daan para magpatuloy ang malakihang smuggling operations.

Lalo lamang aniyang nakababahala ang tangkang rice smuggling dahil sa direktang epekto nito sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ng palay at sa food security ng bansa.

Hindi lang aniya nito pinapatay ang mga local farmers kundi sinasamantala ang kahirapan ng mga magsasaka, kaya napakahalagang matutukan ito para may mapanagot at may makulong.

Facebook Comments