Saturday, October 10, 2026

House Prosecution, itinanggi na mahina ang alegasyong bribery laban kay VP Duterte

Mariing itinanggi ng House Prosecution Panel na kaya nila inilaglag ay dahil mahina ang Ikatlong Article of Impeachment patungkol sa umano’y panunuhol ni Vice President Sara Duterte sa ilang opisyal ng Department of Education.

Diin ni House Prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, hindi mapapabilang sa mga articles of impeachment ang alegasyong bribery laban kay VP Duterte kung ito ay mahina.

Katwiran ni Ridon, kaya nila inilaglag ang article 3 ay dahil mataas ang tiwala nila na sapat na ang tatlong iba pang articles of impeachment para patunayan na guilty si VP Duterte sa betrayal of public trust at culpable violation of the constitution.

Paliwanag naman ni House Prosecutor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, ikinonsidera din nila ang pagpapabilis ng paglilitis kaya nagpasya silang huwag ng talakayin ang alegasyong bribery.

Sang-ayon din si Flores na malalakas at sapat na ang tatlong articles patungkol sa pagbabanta ni VP Sara sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos jr at kanyang pamilya; maling paggamit sa confidential funds at ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.

Facebook Comments