
May mga inilatag ng hakbang at mga plano ang Department of Education (DepEd) para matiyak na hindi na mauulit ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City at iba pang mga krimen sa ibang mga paaralan sa bansa.
Inihayag ito ni DepEd Assistant Secretary for Governance and Operations Roger Masapol sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture na pinamumunuan ni Rep. Roman Romulo.
Ayon kay Masapol, matapos ang shooting incident sa Tacloban ay agad ipinag-utos ni DepEd Secretary Sonny Angara ang pagsasagawa ng school safety and security audit para malaman kung ilang mga paaralan sa bansa ang mayroon o walang security guards, may mga bakod at metal detectors.
Dagdag pa ni Masapol, pinalakas din ng DepEd ang koordinasyon sa Philippine National Police (PNP).
Sabi ni Masapol, kasama din sa mga hakbang ang paglalatag ng protocols para sa mga insidente ng pamamaril at iba pang posibleng krimen sa loob ng mga paaralan at ang pagbuo ng mekanismo para sa pagrereport sa mga awtoridad ng mga estudyante at guro ng anumang mga banta ng karahasan o krimen at ng kahina-hinalang aktibidad o asal.










