Pinalakas ng Schools Division Office I Pangasinan (SDO I Pangasinan) at Philippine Red Cross ang kanilang pagtutulungan upang isulong ang mas aktibong partisipasyon ng kabataan sa volunteerism at disaster preparedness sa mga paaralan.
Sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Agreement na ginanap kahapon, Hunyo 29, 2026, tiniyak ng dalawang institusyon ang mas pinatibay na kolaborasyon para sa kaligtasan, kalusugan, at kahandaan ng mga mag-aaral.
Tampok sa partnership ang pagpapalakas ng Red Cross Youth chapters sa mga paaralan, gayundin ang mga programa sa first aid training, emergency response, health promotion, at disaster risk reduction management.
Inaasahan ding magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga mag-aaral na makibahagi sa humanitarian at community service activities.
Binigyang-diin ng mga opisyal mula sa Philippine Red Cross ang patuloy na papel ng organisasyon sa paghuhubog ng mga kabataang handa sa sakuna at may malasakit sa kapwa, habang ipinahayag naman ng SDO I Pangasinan ang kahalagahan ng paghubog ng ligtas at handang kapaligiran para sa pag-aaral.
Kasabay ng kasunduan, nakatakda ang isang bloodletting activity sa Hulyo 16, 2026 bilang bahagi ng paggunita sa National Disaster Resilience Month at National Blood Donors Month.
Ayon sa SDO I Pangasinan, ang naturang partnership ay hindi lamang nakatuon sa mga programa kundi sa paghubog ng isang henerasyon ng mga mag-aaral na may disiplina, kahandaan, at diwa ng bolunterismo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








