Umabot sa 106 na indigent Dagupeño ang nakausap at na-assess sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program bilang bahagi ng patuloy na paghahatid ng serbisyo sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Sa isinagawang aktibidad, katuwang ng lokal na pamahalaan ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at City Mayor’s Office – Social Service Unit sa pagtanggap at pagproseso ng mga kahilingan ng mga benepisyaryo.
Bukod sa AICS assessment, nagbigay rin ng disaster preparedness orientation ang mga kinatawan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang hikayatin ang mga residente na maging handa sa anumang kalamidad sa pamamagitan ng tamang kaalaman at paghahanda.
Nagkaroon din ng information drive kaugnay ng pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan, kabilang ang panawagan na paigtingin ang responsableng paggamit at pangangasiwa sa mga pisonet establishments.
Samantala, nagsagawa rin ng registration ang City Health Office para sa YAKAP at GAMOT Program ng PhilHealth. Layunin ng programa na matulungan ang mga kwalipikadong residente na magkaroon ng access sa outpatient medicines para sa mga chronic illness tulad ng hypertension, diabetes, asthma, sakit sa puso, at iba pang karamdaman, alinsunod sa mga benepisyong iniaalok ng PhilHealth. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








