Batay sa ulat ng Dagupan CPO, dakong alas-4:19 ng madaling-araw nang rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 6 sa isang sumbong hinggil sa umano’y paggamit ng ilegal na droga.
Kabilang sa mga naaresto ang isang 47-anyos na pintor at may-ari ng bahay, isang 40-anyos na security guard, isang 26-anyos na helper, at dalawang construction worker na edad 18 at 20, na kapwa residente ng San Fabian, Pangasinan.
Narekober naman sa operasyon ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman umano ng hinihinalang shabu, na may tinatayang kabuuang bigat na 3.5 gramo at tinatayang halaga na 23,800 pesos, kasama ang ilang drug paraphernalia.
Isinagawa sa mismong lugar ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga naarestong indibidwal at mga kinakailangang testigo, alinsunod sa itinakda ng batas.
Matapos ang operasyon, dinala ang mga suspek sa Region 1 Medical Center Annex sa Bonuan Binloc, Dagupan City, para sa medical examination bago inilipat sa Police Station 6 sa Tondaligan, Bonuan Gueset, para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa pagsasampa sa City Prosecutor’s Office.
Pansamantala namang nakapiit ang limang suspek sa custodial facility ng Dagupan City Police Office.
Ayon kay PCOL Arnold P. Solomon, City Director ng Dagupan CPO, nananatiling matatag ang paninindigan ng kanilang tanggapan laban sa ilegal na droga at patuloy ang kanilang operasyon upang mapanatili ang ligtas at mapayapang komunidad sa Dagupan City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








