Tuesday, September 15, 2026

Presentasyon ng saln ni VP Duterte mula 2007 hanggang 2025, pinayagan ng Senate Impeachment Court; ilang confidential information, redacted sa SALN

Pinayagan ng Senate Impeachment Court ang pagprisinta ng prosecution team sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Vice President Sara Duterte mula 2007 hanggang 2025.

Saklaw ng mga taon ang SALN mula noong Mayor at Vice Mayor pa ng Davao City ang bise hanggang sa termino nito bilang ikalawang Pangulo ng bansa.

Sa kabila ng pagtutol dito ni Atty. Justin Nicol Gular ng defense team, pinayagan ni presiding officer Chiz Escudero ang presentasyon ng SALN ng bise mula 2007 sa katwirang ito ay pagbusisi lamang sa baseline ng figures para sa computation ng SALN ng bise.

Nilinaw din ni Escudero na hindi saklaw ng impeachment case o hindi magdadagdag ng kaso kay VP Duterte ang mga SALN nito noong siya ay lokal na opisyal pa ng Davao City.

Samantala, redacted o inalis ng prosecution team sa SALN ng bise ang pangalan ng mga minors o mga anak nito at mga address ng tirahan dahil ito ay confidential at hindi dapat madamay ang mga bata sa isyu.

Tinukoy naman ni Atty. James Bryan Ibrahim Alih ng prosekusyon na mula 2007 hanggang 2025 ay tumaas ang deklaradong networth ni VP Duterte ng 91 million pesos o mula mahigit P7 million noong 2007 ay tumaas ito sa higit P98 million noong 2025.

Sa ngayon ay iniisa-isa ni Atty. Karen Batu, Officer in Charge ng Records Division ng Office of the Ombudsman, ang mga negosyo ni VP Sara na nakadeklara sa SALN na nasa pagiingat nito.

Facebook Comments