51-ANYOS NA MAGSASAKA, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA PASUQUIN, ILOCOS NORTE

Arestado ang isang 51-anyos na magsasaka matapos masamsaman ng 6.7 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte noong Nobyembre 2.

Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Pasuquin Municipal Police Station, Ilocos Norte Police Provincial Office, PDEA at iba pang intelligence at police units, sa koordinasyon ng PDEA Region 1.

Nasamsam mula sa suspek ang tatlong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 6.7 gramo at tinatayang standard drug price na 45,560 pesos.

Narekober din sa operasyon ang isang libong pisong buy-bust money, isang cellphone at iba pang ebidensya.

Isinagawa sa lugar ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi, alinsunod sa itinakda ng batas.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments