PAGDAGSA NG MGA BIYAHERONG UUWI PA-MAYNILA, INAASAHAN; MGA BUS OPERATOR, NAGHAHANDA NA

Pinaghahandaan na ng mga bus terminal sa Dagupan City ang inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong bibiyahe pauwing Metro Manila kasunod ng paggunita sa Undas.

Ayon sa mga terminal master at tauhan ng ilang bus terminal, inaasahan ang dami ng mga biyahero sa November 2, 2026, kung kailan inaasahang babalik na sa kani-kanilang trabaho at paaralan ang maraming bakasyunista matapos ang mahabang weekend.

Dahil dito, patuloy ang paghahanda ng mga bus operator upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero at matiyak ang maayos na daloy ng kanilang mga biyahe.

Sa kasalukuyan, nasa ₱605 ang pamasahe mula Dagupan City hanggang Cubao, Quezon City.

Pinapayuhan naman ang mga biyahero na agahan ang pagpunta sa terminal at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga dalahin upang maiwasan ang anumang aberya sa biyahe.

Samantala, patuloy ang pagbabantay ng kapulisan sa mga pangunahing lansangan at terminal upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero.

Inaasahan namang magpapatuloy ang pagdami ng mga pasahero sa mga susunod na araw, kaya naman hinihikayat ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang pagbabalik-biyahe. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments