Isang aktibong miyembro ng Philippine National Police na may ranggong Police Chief Master Sergeant ang inaresto matapos makumpiskahan ng mahigit ₱5.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Mapandan, Pangasinan, ngayong Martes, November 3.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 1 ang suspek sa alyas na “Ramil,” na itinuturing na high-value target sa ilegal na droga.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court sa Dagupan City.
Sa paghahalughog sa suspek, kaniyang sasakyan at tirahan, nakumpiska ang kabuuang 812.8 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug value na mahigit ₱5.5 milyon at tinatayang street value na ₱2.6 milyon.
Narekober din ang mga hinihinalang drug paraphernalia at ilang baril na ayon sa mga awtoridad ay walang kaukulang lisensya.
Pinangunahan ng PDEA Pangasinan ang operasyon katuwang ang iba pang law enforcement units.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang suspek habang isinasagawa ang laboratory examination sa mga nakumpiskang ebidensya at iba pang kinakailangang proseso.
Inihahanda ang mga reklamo kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 10591 o batas sa regulasyon ng mga baril.
Posible rin siyang maharap sa kasong administratibo bilang aktibong pulis.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang suspek hinggil sa mga alegasyon laban sa kaniya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







